| Statement of NUPCO on the financial crisis |
|
|
|
| Written by mbd |
|
AEPF - Philippines Round Table Discussion “What is to be done to protect the people in the midst of crisis?: firming up of proposals” November 6, 2008
Ang krisis ay hindi na bago sa maralitang taga-lungsod. Sa paghahanap ng oportunidad para sa mas maayos at makataong pamumuhay kabilang ang mga tumakas sa armadong labanan sa kanayunan partikular ang mga kapatid na moro sa Mindanao, ay nasadlak ang maraming bilang ng mamamayan sa pakikipaglaban sa kahirapan sa kalunsuran. Mula sa pag-asang makakita ng liwanag sa ilaw ng kalunsuran, higit na maraming bilang ng mamamayang naghihirap sa kalunsuran ang magpasahanggang ngayon ay nakasadlak pa rin sa lugmok na kalagayang salat sa batayang serbisyo at walang katiyakan sa paninirahan. Taliwas sa pangarap na kaunlaran sa paglikas papuntang lungsod. Ang katiyakan sa paninirahan ay siyang pangunahing adbokasiya ng maralitang taga-lungsod ngunit hindi ang kabuuan. Ang mga batayang serbisyo katulad ng tubig, kuryente at pasilidad sa kalusugan ay hindi huli sa mga ipinakikipaglaban. Ang kasalatan sa akses at mataas na halagang kinakailangan upang matugunan ang mga ito at higit ang kawalang pagpapahalaga ng pamahalaan ay lalo pang nagpapalala sa kahirapan. Ang isang maliwanag na salamin kung gaano na kalala ang sitwasyon ng maralitang tagalungsod ay ang pinakahuling datos sa “involuntary hunger” ng SWS. Sa 18.4% o humigit kumulang na 3.3 milyong pamilya na nakakaranas ng kagutuman (3rd Quarter 2008 sa ating bansa, 560 libong pamilya o 23% ng mga kabahayan sa Metro Manila ang malaking bahagi nito. 2nd quarter of 2007 self rated urban poverty was 41%, at sa kasalukuyang sitwasyon ay patuloy na dumarami dahil na rin sa kawalan ng kumprehensibo at sustainable na programang agricultural sa kanayunan at kawalan ng industriyalisasyong nasyonal kasama pa ang patuloy na armadong labanan, hindi pa rin napagtutuunan ng pansin at salat sa mga rekisitos ng makataong paninirahan at disenteng pamumuhay ang maralitang taga-lungsod. Ang mga programang inilalaan ng pamahalaan ay hindi nakakatugon sa pangangailangan ng sektor. Ang ilan pa nga rito ay lalo lamang nagpapatindi sa kahirapang nararanasan ng maralitang taga-lungsod. Ang nakaambang pagbulusok ng pambansang ekonomiya kaakibat ng pandaigdigang krisis ay isang alalahaning balido para sa sektor. Sa kasalukuyang lugmok na kalagayan, ano ang kahihinatnan kung hindi mabibigyan ng sapat na proteksyon at pagpapahalaga ang mga maralitang tagalungsod? Ang mga polisiyang nagpapahirap at mga programang hindi tumutugon sa pangangailangan ng maralitang tagalungsod ay dapat ng wakasan at palitan ng sasagot sa papalalim na krisis. Kasabay nito ay ang pagpapatupad ng mga programa at pagtutuon ng mga polisiya para sa interes ng maralitang taga-lungsod.
|



